Ito ang tema ng isinagawang libreng Assessment and Drug Testing for the Drug Surrenderers ngayong ika- 9 ng Agosto, 2022 sa Municipal Covered Court para sa mga PWUDs (Persons Who Use Drugs) ng Bgy. Poblacion at Bgy. Pancol na nagnanais ng magbagong-buhay.
Layunin ng programang ito na bantayan at alalayan ang ating mga PWUDs sa bawat kinakailangang hakbang upang sila’y maideklarang ganap ng drug free. Isinasagawa ito apat na beses sa bawat taon o quarterly upang idokumento at bigyang-diin ang kanilang progresibong pagbabago at kahandaang yakapin ang bagong yugto ng kanilang buhay sa kani-kaniyang kinapabibilangang komunidad.
Labingwalong (18) mga barangay ang natukoy na mga apektado ng problema sa droga sa bayan ng Taytay. Ngunit dahil na rin sa puspusan at masigasig na kampanya at pagtutulungan ng Lokal na Pamahalaan, Taytay Municipal Police Station, Municipal Social Welfare and Development, Municipal Health Office, religious sector at civil society organizations na pawang mga miyembro ng ating Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC), gayundin ng mga pamilya ng ating mga PWUDs, labing-anim (16) na barangays na ang naideklarang drug-free.
Sa kasalukuyan, ating inaalalayan ang ating mga PWUDs mula naman sa Bgy. Poblacion at Bgy. Pancol, upang maging tuloy-tuloy ang kanilang pagtahak sa landas tungo sa isang mas ligtas, malusog, masayang kasama ang pamilya at payapang bukas.
Buo ang dedikasyon ng ating Lokal na Pamahalaan at ng MADAC na isulong ang adhikaing muling buuhin ang mga hangarin at pangarap ng ating mga PWUDs at maging ganap ng drug-free municipality ang Bayan ng Taytay. Gaya nga ng tinuran ng ating Mahal na Ama ng Bayan Kgg. CHRISTIAN V. RODRIGUEZ, “Ipagpatuloy lamang natin ating kooperasyon. Ang inyong Lokal na Pamahalaan ay hindi nagpapabaya. Nandito lang kami para suportahan kayo.” Ayon pa rin sa kanya, “Isa ako sa makakapagpatunay na malaki na ang ipinagbago ninyo. Forget the past and face the present.”
Lubos din ang suporta ng ating MSWDO na Gng. Natividad T. Junio – Focal Person ng MADAC. Ayon pa sa kanya, “Ang bawat indibidwal ay mahalaga. Kabahagi ninyo kami upang kayo ay tuluyan ng makalaya mula sa mga pinsalang dulot ng ipinagbabawal na gamot”. Sinang-ayunan din ito ni Police Major Bronson C Caramto, ang kasalukuyang Acting Chief of Police ng Taytay Municipal Police Station. Kanyang hiniling na, “Hinihingi namin ang inyong kooperasyon. Hindi natin maisasakatuparan ang adhikaing ito kung wala ang inyong kooperasyon”.
Para naman sa pagtalakay ng mga proseso ng programa ngayong araw, ipinaliwanag ng ating Municipal Health Officer na si Dr. Dan A. Del Rosario ang kanilang pagsasailalim sa ASSIST (assessment tool) at urine sample collection para naman sa kanilang drug testing.
Bago matapos ang programa, opisyal namang nagpaalam si MSWDO Gng. Natividad T. Junio sa kanyang tungkulin bilang MADAC Focal at nagbigay daan para sa pagpapakilala ng bagong naitalaga na si Gng. Bamby G. Oquendo. Buong-pusong tinanggap ni Gng. Oquendo ang tungkuling ito at sa kanyang maikling pananalita kanyang ibinahagi na saludo at humahanga siya sa kusang loob na pagparito at sa kooperasyon ng bawat isang dumalo. Ika nga niya, “Your past does not define you.”
Matagumpay na nagtapos ang programa ngayong araw. Antabayanan ang mga susunod pang mga programa ng Lokal na Pamahalaan katuwang ang MADAC at iba pang stakeholders tungo sa pagkamit ng layuning maideklarang drug-free municipality na ang bayang ito.