“Nais na po naming mag-aral ulit.” Wika ng isa sa mga kabataan bilang tugon sa programang dinaluhan nito sa Barangay Libertad – ang Youth Camp. Tunay ang iyong nabatid, nagsagawa ng programang pangkabataan ang lokal na pamahalaan ng Taytay, sa pangunguna ng ating Municipal Mayor, Christian V. Rodiguez. Ito ay ang kauna-unahang Youth Camp, kasama ang Youth Sports Program, na siyang parehong parte ng A Day with Barangay.
Isinagawa ang dalawang araw na programa sa Barangay Libertad nitong January 29-30, 2023. Ang mga kabataan na Out-of-School Youth at In-School Youth na nagmula sa iba’t ibang barangay ng Paglaum, Talog, Calawag, at Libertad ang siyang mga lumahok dito. January 29, Linggo, nagsimula ang registration at nagtalaga ng mga lugar kung saan ang pansamantalang tuluyan ng mga kasali sa camp, kabilang na ang mga facilitators, staff, men-in-uniform, at iba pa. Ginanap ang Welcome Program sa hapon, na dinaluhan ng mga mamamayan ng Libertad, Barangay Officials sa pangunguna ni Punong Barangay Julito Rojo, at iba pa. Ang welcome remarks ay pinagkaloob naman nina SK President Toto Sonio Jr. ng Barangay Talog, SK President Precth Piolo ng Barangay Libertad, Punong Barangay Julito Rojo, SK Federation Appointed President Jerson Bulan, at SB Member Alerey Rapsing-Rosas. Ang kanilang mensahe ay puno ng pag-asa na sa camp na ito ay nawa’y marami silang magaganda at mabubuting bagay na matutunan at maging parte ng inspirasyon sa kanilang buhay.
Ipinaalala naman ni Hon. Christian V. Rodriguez, Municipal Mayor, sa kanyang inspirational message, na ang kabataan ang pag-asa ng bayan at nawa’y maging ganoon din ang nasa isip ng kabataan ng Taytay. Iprinisenta naman ng ating Sports and Games Inspector II Jun Abian ang mga nabuong grupo ng kabataan na siyang magiging grupo para sa camp at sa paglalaro ng basketball at volleyball. Nagpakitang gilas naman sila sa kanilang group cheer/jingle. Ang mga tuntunin at regulasyon naman sa camp ay ipinahayag ni Camp Director Pr. Christian Libarra. Ginugol ang mga natitirang oras ng hapon sa unang laro ng basketball at volleyball na siya namang kanilang ikinasiya at hindi mapigil ang pananabik dito. Nagpatuloy ang laro hanggang sa sumunod na araw, kasabay ng counseling na siyang makatutulong na mapagaan ang mga damdamin at saloobin ng mga kabataang ito.
Mayroon namang Spiritual Focus, Mental Health Lecture, Substance Abuse Advocacy, at Youth Lecture sa unang gabi ng programa na pinangunahan nina Pr. Johnathan B. Bernabe, Maria Kristine S. Rapsing, PAT Mary Jane B Ustares at PFC Christopher S Billan PN(M). Ang sumunod na gabi ay inilaan kina Pastora Audine Tabangay para sa Spiritual Focus, at Mr. Rodolfo Alcala Jr. sa pagbibigay kaalaman tungkol sa Alternative Learning System (ALS) at testimonya rito. Hinikayat ang pagbabalik aral at paglalaan ng tulong sa oras na ninais na nila matapos ang grade or kurso na kanilang napili.
Idinaos ang Awarding at Closing Program ng Youth Camp at Youth Sports Program sa araw ng A Day with Barangay. Tunay na naging matagumpay ang programa ayon na rin sa mga patunay na tugong testimonya at bakas ang kasiyahan sa mukha ng bawat kabataan. Sa tulong na rin ng Mayor’s Office, MSWDO, MGSO, MHO, MDRRMO, MICTO, RMFB, Barangay and SK Officials, Barangay Tanod at iba pa – sa sama-samang paggawa, naging matiwasay ang programang Youth Camp and Youth Sports Program. Nagsisimula pa lamang ang ganitong palatuntunan para sa mga kabataan, at naniniwala ang pamahalaan na ito ay makatutulong sa mga barangay na mahubog at magabayan sa tamang daan ang mga kabataan nito, at balang araw mapatutunayan at maisabubuhay ng bawat kabataang Taytayano na sila ang pag-asa ng bayan.