Sa bisa ng Municipal Ordinance No. 489 series of 2023 na pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng Taytay, Palawan noong January 16, 2023 at nilagdaan bilang ganap na batas ng ating Punong Bayan, Kgg. Christian V. Rodriguez, ang ating mga kababayang negosyante ay binigyan ng pinalawig na panahon upang mag renew ng kani-kanilang Business Permit. Ang unang itinakdang panahon (deadline) na tuwing ika-20 ng Enero na nakasaad sa Revised Revenue Code ng Taytay, Palawan ay inamyendahan ng nasabing ordinansa upang palawigin sa taong ito, 2023, ang period of renewal hanggang sa ika-20 ng Pebrero. Ito ay upang mabigyang pagkakataon ang ating mga kababayang negosyante na makapag-apply ng kanilang renewal gamit ang Online Integrated Business and Licensing System (iBPLS) na ipinatutupad ng Pamahalaang Bayan ng Taytay bilang pagtalima sa Batas Republika (Republic Act) bilang 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 – hanggang sa nasabing panahon ng walang kaakibat na penalty / multa. Ngunit pagkatapos ng pinalawig na deadline, hanggat walang panibagong extension, ang lahat ng renewal ay magkakaroon na ng 20% surcharge / penalty.

Kung kaya ang lahat ng ating mga kababayang negosyante na hindi pa nakakapag-renew ng kani-kanilang Business Permit ay inaanyayahang samantalahin ang pinalawig na panahon upang i-proseso ang kanilang mga aplikasyon at maka-iwas sa multa o penalty. Mangyari lamang na bumisita sa ating New BOSS Area or iproseso ang aplikasyon gamit ang online portal na ito: https://prod9.ebpls.com/taytaypalawan/index.php or iclick ang larawan sa ibaba.

Para sa anumang katanungan ukol sa proseso ng iBPLS magtungo sa Business Permits and Licensing Office (BPLO) na matatapugpuan sa bagong Business One-Stop-Shop (BOSS) Area sa First Floor, Annex Building, Municipal Hall o kaya ay tumawag sa 0917-104-4446 or (048)-423-1301 (local 1003).