WALONG DAAN AT SIYAM (809) NA MGA MANGINGISDA MULA SA BAYAN NG TAYTAY, NABIGYAN NG TIG-TATLONG LIBO NA DISKWENTO SA PETROLYO MULA SA PROGRAMA NG DA-BFAR.
Ang Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) MIMAROPA katuwang ang Universal Storefront Services Corporation (USSC) ay nagsagawa ng “Know Your Client (KYC) Validation cum Distribution of Discount Cards” sa ilalim ng Fuel Discount for Farmers and Fisherfolk (FDFF) Program noong Agosto 2, 2022 sa Annex Building at Municipal Covered Court sa Barangay Poblacion, Taytay. Ang layunin ng nasabing programa ay maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na lubhang nagpapahirap sa mga mangingisdang namamalakaya.
May kabuuang walang daan at siyam (809) na mangingisda mula sa mga barangay ng Paly, Biton, Baras, Debangan, Casian, Depla, Maytegued, Silanga, Pularaquen, Pamantolon, Poblacion, New Guinlo at Pancol ang nakatanggap ng discount cards na nagkakahalaga ng tatlong libong peso (₱3,000.00) na magagamit sa pagbili ng petrolyo sa piling mga accredited gasoline stations.
Nilinaw ng tanggapan ng Office of the Municipal Agriculturist (OMA) – Fisheries Section na ang mga batayan sa pagpili ng mga kwalipikado sa nasabing programa ay una, ang mga rehistradong mangingisda ay nasa Fisherfolk Registration System (FishR) at ikalawa, sila ay dapat na nagmamay-ari ng kagamitan na nakatala sa Municipal Fishing Vessel and Gear Registration System (BoatR).
Ang implementasyon ng FDFF Program ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan sa Lokal na Pamahalaan ng Taytay, sa pangunguna ni Mayor Christian V. Rodriguez, partikular ang mga opisina ng MAO at Municipal Information and Communications Technology Officer (MICTO).