Bahagi ng programa sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Christian V. Rodriguez ang pagbibigay pansin sa mga kabataan ng bayan ng Taytay. Kaya nga’t patuloy na isinagawa ang Youth Camp at Sports Program sa Barangay Abongan. Pebrero 26 – 27, 2023 ay idinaos ito kasama ang mga kabataang In at Out-of-School Youth and Alternative Learning System (ALS) Students mula sa barangay Abongan, Alacalian, at Banbanan. Linggo nagsimula ang programa sa pamamagitan ng isang welcome program na dinaluhan ng iba’t ibang opisyal ng barangay, SK Presidents Jericho Vallega ng Abongan, Airose Abayon ng Alacalian, at Jerson Bulan ng Liminangcong na siyang SK Federation President, SB Member Alerey Rapsing-Rosas at iba pa. Naglaan naman sila ng mga mensahe para sa mga dadalo sa youth camp – hiling ang magandang panahon, maayos at ligtas na paglalaro, at nawa’y magsilbing inspirasyon ang programa ng ito sa kanilang buhay. Natapos ang welcome program na sinundan ng unang laro ng volleyball at basketball na isa sa mga nakakapanabik na parte ng sports program.

Sa buong araw ay nagtatagisan ng galing sa basketball at volleyball ang mga kabataan kasabay ng counseling upang matugunan din ang kanilang emosyonal na pangangailangan. Mayroon ding parlor games na ikinatuwa at ikinatawa ng mga manlalaro at nanood. Sa gabi naman ay may iba’t ibang programang nakahanda, tulad ng Spiritual Focus na pinangasiwaan nina Pastora Audine Tabangay, Pastor Jacob Gabasa, Pastor Christian Libarra, at Pastor Johnathan Bernabe. Isang lektura naman mula sa Municipal Health Office ay Teenage Pregnancy and STD/HIV/AIDS Awareness na pinangunahan ni Chinkey Sacay; Substance Abuse Prevention Advocacy ni PEMS Yolanda A Maberit; at Youth Lecture ni PFC Christopher S Billan PN(M). Isa namang testimonya na puno ng inspirasyon ang ibinahagi ni Vaneza Vallega na siyang produkto ng ALS at kasalukuyang ganap na guro, at pagbibigay kaalaman patungkol sa programang ALS sa mga nais magbalik aral ang ipinaliwanag ng Mr. Rodolfo Alcala Jr..

Idinaos ang Awarding at Closing Program sa araw ng A Day with Barangay. Nagbahagi naman ng pasasalamat at pag-asang makapagbalik-aral ang mga piling kabataan na siyang nakasama sa Youth Camp at Sports Program. Sa sama-samang paggawa ng Mayor’s Office, MSWDO, MGSO, MHO, MDRRMO, MICTO, 3rd MC MBLT3, Barangay and SK Officials, Barangay Tanod at iba pa, naging matiwasay ang programang ito ng ating lokal na pamahalaan. Ika nga, nagsisimula pa lamang ang ganitong palatuntunan para sa mga kabataan, at naniniwala ang pamahalaan na ito ay makatutulong sa mga barangay na mahubog at magabayan sa tamang daan ang mga kabataan nito, at balang araw mapatutunayan at maisabubuhay ng bawat kabataang Taytayano na sila ang pag-asa ng bayan.